MANILA, Philippines - Hinainan ng warrant of arrest ng mga tauhan ng Pasig City Police si dating Senador Jovito Salonga kaugnay ng kasong estafa na isinampa sa kanya ng isang doktor na bumili ng condominium unit sa Tagaytay City.
Ang mandamyento de aresto ay inisyu ni Pasig RTC branch 125 Judge Danilo Buemio laban kay Salonga kaugnay ng kasong isinampa ng isang Dr. Restituto Buenviaje.
Nabatid na bumili ng condominium unit si Buenviaje sa real state project nina Salonga at ng isang Ferdinand Banez noong 1997 ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natatapos ang unit.
Ibinigay naman sa Pasig City Police ang paghahain ng naturang warrant kung saan tinungo ang bahay ni Salonga sa Acacia Street, Valle Verde Subdivision, Pasig City. Hindi naman napilit na maisama ang dating Senador na may karamdaman ngunit ang anak na lamang nito na si Steve ang sumama sa mga pulis.
Hiniling ni Steve sa Pasig RTC na huwag nang isama ang kanyang ama dahil sa halos hindi na kayang tumayo sa karamdaman na Alzheimer’s disease, dementia at edad na 92-taong gulang.