MANILA, Philippines - Natapos din ang paghihirap ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) mula United Arab Emirates (UAE) mula sa pang-aabuso ng kanilang mga amo makaraang saklolohan ng Villar Foundation na makauwi ng Pilipinas kahapon.
Kinilala ang tatlong OFW na sina Romely Daguplo, Joanalin Pascua, at Jacquelyn Costuna. Pinangunahan ni Villar Foundation Managing Director Cynthia Villar ang pagsalubong sa mga ito.
“Kami po ay lubos na masaya sapagkat may kakayahan kaming makatulong sa ating mga kababayan lalo na ang mga OFW’s na mayroong dinadanas na iba’t ibang problema sa ibang bansa. Subalit hindi naman namin kayang tulungan ang lahat kaya ako ay nananawagan sa mga pribadong kumpanya at mga tao lalo na sa pamahalaan na magtulungan kami sa pagsaklolo sa ating mga OFW’s,” ani Villar.
Ayon kay Villar, bukod sa pagpapauwi sa mga OFW’s ay pinagkakalooban din nila ng ibang tulong ang mga ito maging ang kanilang mga kamag-anak kabilang na ang livelihood trainings para sa kabuhayan, medical assistance at ang pagkakaroon ng OFW summit sa pakikipagtulungan ng Go Negosyo kada taon upang sa ganoon ay mahikayat silang magnegosyo.
Ang tatlo ay sakay ng flight GF154 via Gulf Airlines nang dumating sa NAIA terminal 1 at bakas ang kaligayahan sa kanilang mukha na muling makakapiling ang kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Si Romelyn Daguplo, 31, mula Bukidnon nagtrabaho bilang domestic helper sa Dubai ay umalis ng bansa noong Marso 2011 na hindi batid na siya ay nagdadalang tao na pala at dahil sa takot sa batas ng mga Arabo ukol sa pagbubuntis ng isang babae ng walang asawa ay nagawa niyang tumakas sa kanyang amo na nagresulta upang humingi ng tulong sa Sagip-OFW ang kanyang ina na isa ring kasambahay.
Si Joanalin Pascua ay hindi pinapasuweldo ng tama, sobrang trabaho, at sinasabing inabuso pa na naging dahilan upang humingi ng saklolo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO-OWWA) sa Dubai.
Si Jacquelyn Costuna, 24 at naninirahan sa Manila ay umalis ng bansa patungong Dubai noong Oktubre 2011 at tumakas sa kanyang amo matapos na dumanas ng pagmamaltrato at inabuso sa pamamagitan ng mga salita at nanuluyan din sa POLO-OWWA Dubai hanggang sa makabalik ng bansa.