Deadline sa impeach trial hingi ng prosec sa Senado

MANILA, Philippines - Nanawagan ang House Prosecution Team sa Kongreso na magpataw na ng sariling des­isyon ang Senate Impeachment Court ng deadline kung hanggang kailan na lamang ang paglilitis ng impeachment case ni Chief Justice Renato Corona.

Ito ay bunsod na rin ng pangamba na posible umanong lumagpas pa sa buwan ng Hunyo o hindi kaya’y abutin pa ng SONA ng Pangulo ang naturang impeachment trial kung hindi mamadaliin ang pagdinig dito.

Ayon kay Marikina Rep. Romero Federico “Miro” Quimbo, tagapagsalita ng prosecution team, dapat ng magtakda ang Senado ng schedule upang malaman na ang desisyon kung guilty ba o abswelto si Corona.

Giit ni Quimbo, kung matatagalan pa ang pag­lilitis ay tiyak na taumba­yan ang matatalo rito.

Paliwanag pa ng pro­sekusyon, marami ring dapat na gawin ang Senado at Kamara at ka­tunayan ay ngayong ba­kasyon lamang umano sila nakabawi sa kanilang mga distrito.

Sa kabilang banda ay tutol naman ang Defense Team ni Corona sa giit ng prosekusyon na bigyan ng deadline ang kanilang presentasyon ng mga ebidensya at testigo ngayong pagsisimula muli ng paglilitis.

Giit dito ni Atty. Tranquil Salvador, defense lawyer ni Corona, hindi tamang bigyan sila ng palugit dahil kung titingnan ay wala namang ga­nito ang prosecution team.

Dagdag ni Salvador, 25 araw ang ginugol ng prosekusyon sa kanilang presentasyon at ang depensa ay nakakawalong araw pa lamang at mayroon pa silang ihaharap na 16 testigo sa impeachment tribunal.

Show comments