MANILA, Philippines - Nais palawigin ni Senate President Juan Ponce Enrile ng hanggang alas-10 ng gabi ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona upang matapos nila ito hanggang sa susunod na buwan.
Sinabi ni Sen. Enrile na imumungkahi niya ito sa kapwa niya senator-judges gayundin sa kampo ng prosecution at depensa sa araw na ito kung saan ay magsimula ng alas-2 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ang hearing.
“Imumungkahi ko sa mga abugado, both prosecution at defense, kung maari tapusin natin ang kaso na ‘yan bago matapos ang buwan na ito. Marami nang napeperwisyong panukalang batas... dahil sa kaso na yan,” wika pa ni Enrile.
“Kung papayag sila, pwede kaming mag-umpisa 2 p.m. at ituloy ang hearing hanggang 10 ng gabi kung kailangan upang matapos na,” giit pa ng senate president at siya ring presiding judge ng impeachment court.
Aniya, sa kanyang edad na 88 ay nakahanda pa rin siyang magpatupad ng marathon hearing kahit abutin ito ng hatinggabi kaya inaasahan niyang ang mas batang mga senator-judges gayundin ang mga young lawyers ay makakaya ito.
“Kung sa edad ko, 88 na ako, kaya kong mag-hearing hanggang 12 ng gabi, siguro naman ang mga abugado kaya nila,” giit pa ni Enrile.
Aniya, kailangan lamang ay palaging handa ang mga witness na ipapatawag ng depensa upang hindi na masayang ang oras.
Idinagdag pa ni Enrile, ang depensa ay mayroong nakahandang 10 witness na kanilang ihaharap sa impeachment court at inaasahan niyang matatapos ng korte ang testimonya ng mga witness na ito mula 10 hanggang 16 na trial days.
“I don’t think each witness will consume one entire day testifying,” paliwanag pa ng senate president.