MANILA, Philippines - Ibinulgar ng isang negosyante ang sinasabing P73 milyong halagang “kickback” ng mga dating opisyal ng isinarang Urban Bank tungkol sa bentahan ng malaking lupa sa Pasay City noong 1994.
Ang Urban Bank na isinara noong 2001 ay naging Export and Industry Bank noon pero ngayon ay inilagay sa ilalim ng receivership ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Huwebes.
Sinabi ni Enrique Montilla, dating pangulo ng Isabela Sugar Company, Inc. (ISCI), na kinasabwat umano siya ng mga dating opisyales ng bangko para raw pagkakitaan ang may 8,628-metro kuwadradong lupa na pag-aari ng kanilang kumpanya.
Sinabi ni Montilla na naglabas ng P242 milyon ang mga Urban Bank officials para mabili ang lupa pero anito ay P169 milyon lamang ang sinasabing ibinayad.
“Sa orihinal na P241,612,000.00 (budget) para ipambili ng lupa ay P169,372,857.50 lamang ang ibinayad sa mga lehitimong stockholders ng ISCI at ang balanseng P73,239,142.50, ay ‘ibinulsa’ umano ng mga opisyales ng UB (Urban Bank). Ang plano ay kumita lamang sila ng P42 milyon pero naging sakim daw sila,” sabi ni Montilla.
Ang ISCI ay dating pag-aari nina Montilla at kaniyang mga kamag-anak mula sa mga pamilyang Pena, Lovina, Abello at Lacson ng Negros Occidental.
Ang mga sinasabing kumita raw sa kickback ay sina Marilyn Ong; Eric Lee,direktor ng bangko; Teodoro Borlongan, bank president; Art Manuel; Ben Lim; Delfin Gnzales; Corazon Bejasa; at Benjamin de Leon na mga opisyales ng bangko.
Nagsara ang Urban Bank at Urbancorp Investments noong kalagitnaan ng 2001 at di kalaunan ay sumama sa Export and Industry Bank (Exportbank).
Samantala, noong isang linggo, inilagay sa ilalim ng BSP ang Exportbank dahil hindi na nito matugunan at mabayaran ang mga obligasyon sa mga depositor.