MANILA, Philippines - Hiniling ng isang real estate developer sa Korte Suprema na ikonsidera nito ang 2009 desisyon kung saan ay sinabi nitong ‘iregular’ na pinagbabayad ang kanilang kumpanya ng P60 milyon sa isang dayuhan na naghain ng labor case sa kabila ng kawalan ng alien employment permit at working visa nito upang magtrabaho sa bansa.
Sa motion for reconsideration ni Eulalio Ganzon ng E. Ganzon Inc. (EGI) sa SC, hiniling nito na baligtarin ang desisyon ng High Tribunal nitong Enero 25, 2012 kung saan ay ibinasura ang kanilang motion for reconsideration para sa 2009 decision ng SC 3rd division na isinulat ni Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago.
Kinatigan ng SC ang desisyon ng labor arbiter na pinababayaran ng P60 milyon ang Australian na si James McBurnie.
Maging ang isang kumpanya ni Ganzon na EGI-Managers ay inireklamo din ni McBurnie na isinampa ang kaso in absentia at 3 taon na ang nakakaraan matapos ang kanyang employment bukod sa hindi nito sinipot ang 14 hearing sa labor arbiter.
Umapela din si Ganzon sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Teodoro Jumamil na ikunsidera ang naunang desisyon ng Court of Appeals noong Oct. 2008 at ang ruling ng National Labor Relation Commission (NLRC) noong Nov. 17, 2009 kung saan natuklasan na hindi empleyado ang dayuhan kundi business partner ng EGI executive.