9,441 nagtapos sa day care binati ni Recom

MANILA, Philippines - Binati ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang 9,441 estudiyante na nagtapos sa 204 day care centers na matatagpuan sa lungsod kasabay ng pagbibigay nito ng papuri sa mga naging guro ng mga nagsitapos dahil sa ipinamalas nitong galing sa pagbibigay ng karunungan sa mga bata.

Samantala, nagpasa¬lamat naman ang mga magulang ng mga batang nagtapos sa day care centers kay Echiverri dahil nakatapos ang kanilang mga anak sa unang hakbang ng edukasyon nang walang ginastos para sa pag-aaral ng kanilang supling.

Bukod sa libreng pag-aaral ay sinagot din ni Echiverri ang mga togang ginamit ng mga batang nagsipagtapos nang abutin ng mga ito ang kanilang diploma sa ginanap na graduation ceremony sa bawat barangay.

Ayon pa kay Echiverri, ang mga batang nag-aral sa mga day care centers ang siya ring nakinabang sa “Supplemental Feeding Program” ng Department of Social Welfare and Deve¬lopment (DSWD).

Napag-alaman naman sa City Social Welfare Department (CSWD) ng Caloocan City na ang nabanggit na bilang ng mga estudiyante sa mga day care centers ay sumailalim sa 120 araw na feeding program na nagdulot ng magandang epekto sa kalusugan ng mga bata.

Ang Supplemental Feeding Program na ito ay nakapailalim sa Millennium Development Goal (MDG) 1, eradicate hunger and malnutrition ng DSWD na suportado ni Mayor Echiverri kung kaya’t patuloy ang kampanya nito na mailapit sa kabataan ang naturang programa.

Ayon sa bagong Curriculum ng DepEd na K+12, hindi na tatanggapin ang mga bata sa Grade 1 kung hindi ito makatatapos muna sa kindergarten na pinalad namang makamit ng mga estudyante sa day care centers sa buong lungsod.

Show comments