MANILA, Philippines - Na-promote bilang 1-star general ang incumbent Presidential Security Group (PSG) Commander ni Pangulong Aquino at dalawa pang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., itinaas na sa susunod na ranggo bilang 1 star o Brig. Gen. si PSG Commander Ramon Mateo Dizon.
Si Dizon ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1983 ay nagsilbi rin sa PSG noong panahon ng termino ng yumaong ina ni PNoy na si dating Pangulong Corazon Aquino.
Si Dizon na noo’y isang full Colonel nahirang ni PNoy bilang commander ng PSG sa pag-upo nito sa puwesto noong Hulyo 1, 2010 ay dati ring commander ng AFP’s anti-terror group, Joint Special Operations Group na nakabase sa Camp Aguinaldo.
Samantala itinaas na rin sa ranggong Brig. Gen. sina Army Ordnance and Chemical Service Chief Col. Danilo Servando at Naval Forces Eastern Mindanao Deputy Commander Navy Captain (katumbas ng ranggong Colonel sa Army) si Maneul Natalio Abinuman.
Si Servando na bihasa sa logistics, operations at public affairs ay miyembro ng PMA “Dimalupig Class 1981” habang si Abinuman na kasalukuyang commander ng Patrol Force ng Philippine Fleet sa Sangley Point, Cavite City ay mula sa PMA “Sandigan Class 1982”.