MANILA, Philippines - Nanawagan ang Progressive Organization of Gays (Progay Philippines) sa Binibining Pilipinas na payagan ang transgender na makilahok sa beauty pageant na inilulunsad nito.
Kasunod ito ng desisyon ng Miss Universe Organization na ibalik sa Miss Universe Pageant ang transgender na Canadian candidate na si Jenna Talackova.
Ayon kay Goya Candelario, spokesperson ng Progay, panahon na para maging bukas sa transgender o kung tawagin nila ay transwomen ang beauty contests sa bansa.
Anya, marami pa namang transgender ang karapat-dapat na lumaban sa ganitong patimpalak ng kagandahan, kabutihang asal at talino.
Binigyang diin ni Candelario, dapat na ring magbago ng pananaw ang mga beauty queens na limitado lamang sa tunay na babae ang beauty pageants.