Pinas, China naggirian na!

MANILA, Philippines - Nagkagirian ang Philippine Navy at dalawang Chinese fishing vessel matapos harangin ng huli ang tangkang pag-aresto ng una sa mga mangingisdang Chinese na naaktuhang iligal na nangingisda sa teritoryo ng Pilipinas.

Sa joint press confe­rence ng Department of Foreign Affairs, Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa DFA kahapon, sinabi ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na igigiit ng Pilipinas ang sovereignty nito sa Scarborough Shoal dahil ito ay nasa loob ng 200 nautical miles na teritoryo ng Pilipinas sang-ayon sa United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS).

Ang Scarborough o Panatag Shoal ay ma­tatagpuan may 124 nautical miles mula sa pinakamalapit na basepoint ng Zambales.

Bagaman wala pang hakbang na arestuhin ang mga Chinese fishermen, sinabi ni del Rosario na isa sa mga tatalakayin pa ay ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mangi­ngisdang Tsino dahil sa illegal fishing at intrusion at gagamiting ebidensya ang iba’t ibang endangered marine species na nakita sa kanilang barko. Gayunman, idadaan ang mga hakbang ng Pilipinas sa diplomatikong pamamaraan base sa kagustuhan din ni Pangulong Aquino.

Base sa report ng BRP Gregorio del Pilar (PF-15) na idineploy ng Phl Navy para magsagawa ng maritime patrol sa Scarborough Shoal, sinabi ni Rear Admiral Alexander Pama na noong Abril 8, naispatan ng PF-15 ang walong fishing boats sa nasabing lugar at pumasok sa lagoon ng Scarborough.

Nang magsagawa ng inspeksyon ang PF-15 noong Abril 10 bilang pagsunod sa Philippine Fisheries Code at marine environmental protection laws, kinumpirma na pawang Chinese nationals ang sakay ng walong pa­ngisdang barko at puno ito ng mga nakuhang corals, malalaking taklobo (giant clams), buhay na mga pating at iba pang endangered marine species.

Kasunod nito, biglang dumating ang dalawang China Marine Surveillance ships na “Zhonggou HAijian 75” at “Zhonggou Haigian 84” at saka pumorma sa bukana ng Shoal hanggang sa magkagirian at pigilan ang PF-15 na arestuhin ang mga intruder na mangingisda.

Sinabi ni Sec. del Rosario, nagkausap na sila ni Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing kahapon subalit nagkaroon sila ng ‘stalemate’ dahil iginigiit din ng China ang kanilang posisyon sa nasabing teritoryo.

Iginiit ng Chinese Embassy na integral part o parte ng kanilang soberenya ang Scarborough Shoal o kilala sa kanila na Huangyan Island na bahagi na raw ng kanilang kasaysayan dahil dito umano nangingisda ang mga Tsino.

Nanawagan pa ang China sa Pilipinas na itigil ang ilegal na aktibidad sa Shoal at agad na lisanin ng Phl troops ang natu­rang lugar.

Sa paliwanag ng Chinese Embassy, nagtungo lamang umano sa lagoon ng Shoal ang 8 Chinese fishing boats upang magpalipas ng sama ng panahon sa karagatan noong Abril 10.

Pinalalabas ng China na ang tropa pa ng Phl Naval gunboat (PF-15) ang humarang at humarass umano sa mga Chinese fishing vessels. Bunsod nito, rumesponde umano ang dalawang Chinese Marine ships upang ipagtanggol ang maritime rights at interes ng China.

Samantala, sinabi ni Vice Admiral Edmund Tan ng PCG na inaasahang darating ng alas-7 nga­yong umaga sa Panatag Shoal ang ipinadala nilang PCG ship bilang suporta sa PF-15. Posibleng dalawang barko ang ipadala ng PCG sa nasabing area.

Show comments