MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon ay dadalaw sa bansa para sa 2-araw na state visit ang Emir ng Qatar na si Sheik Hamad Bin Khalifa Al-Thani mula ngayong Abril 10-11 bilang pagpapaunlad sa imbitasyon dito ni Pangulong Benigno Aquino III, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nasa ika-31 taon na ang pagkakaibigan ng bansang Qatar at Pilipinas.
Nakatakdang dumalaw ang Emir ng Qatar sa Malacañang ngayong hapon upang makipagkita kay Pangulong Aquino at Gabinete nito upang pag-usapan ang lalong pagpapayabong sa ugnayan ng Pilipinas at Qatar sa larangan ng labor, turismo, agrikultura, trade at investments.
“His Highness the Emir’s visit affirms the advancement of political and economic ties between the Philippines and Qatar. We are looking forward to discussing ways to achieve more positive growth in the realm of trade and investment and increasing opportunities for our Filipino workers,” wika naman ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Ang bansang Qatar ay isa sa fast growing economy sa mundo at isa sa pinaka-mayamang bansa batay sa Gross Domestic Product (GDP) per capital.
May tinatayang 175,000 Overseas Filipino workers (OFW’s) ang nasa bansang Qatar, ayon sa DFA.
Naunang bumisita sa bansa kamakailan ang Emir ng Kuwait na si Sheik Sabah al-Ahmed al-Sabah nitong Marso 26-28.
Ayon sa DFA, ang bansang Qatar ay mayroong joint venture sa San Miguel Corporation at may plano ang Qatar para sa investment fund para sa infrastructure na tinatayang aabot ng bilyong dolyar.