MANILA, Philippines - Posibleng umulan ngayong Linggo ng Pagkabuhay lalo na sa Metro Manila o tumaas pa ang temperatura o lalong uminit ang panahon kaya pinapayuhan ng Philippine Atmospheric and Geophysical Astronomical Service Administration ang publiko na magdala ng payong bilang paghahanda.
Sinabi kahapon ni PAGASA weather forecaster Glaiza Escollar na tinataya nila na magkakaroon ng mangilan-ngilan o isolated na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Gayunman, inaasahan din nila na posibleng tumaas sa 35 degrees ang temperatura o init ng panahon na magiging bagong record para sa pinakamainit na araw sa Kalakhang Maynila.
Ang temperatura kahapong Sabado de Gloria ay umakyat sa 34.6 degrees Celsius na mas mababa ng isang degree kumpara sa 34.7 degrees Celsius noong Marso 23.
Kahapon ang sinasabing pangalawang pinakamainit na araw sa taong ito. Sinabi pa ni Escollar na posibleng mangyari ngayon ang 35 degrees Celsius dahil sa tinatawag na easterlies na kumbinasyon ng warm at moist air na nangingibabaw sa Metro Manila.
Maaari ring maapektuhan ng init ang Central Luzon at Visayas region.
Samantala, binanggit ni Escollar na ang manaka-nakang pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ay mararamdaman lang sa iilang lugar. “Hindi namin matutukoy ang intensity ng ulan pero kulang-kulang ito ng isang oras sa isang partikular na lugar,” dagdag niya. Maaari anyang bumuhos ang ulan sa hapon o gabi.