MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga kidnapper ang bihag nitong tatlong Pilipino sa Yemen, ayon sa isang pahayag kahapon ng Department of Foreign Affairs.
Sinabi ni DFA Spokesperson Raul Hernandez na ang mga Pilipino ay pinalaya noong Miyerkules at inilipat sa pangangalaga ni Governor Al Zaidi ng Mareb sa Crisis Management Team sa Sanaa na pinamumunuan ni Vice Consul Lorenzo Junco.
Sinasabi naman ng mga Pilipino kay Junco na nagtratrabaho sila bilang kusinero o kusinera sa YCI, isang catering and service sa Yemen.
Dinukot sila ng mga tribesmen habang patungo sa Sanaa sa Mukalla Port noong Marso 20 para sa kani-kanilang assignment.
Ipinaliwanag sa kanila ng lider ng mga kidnapper na hindi siya nakikipag-away sa kanila o sa pamahalaang Pilipino pero ang pagdukot niya sa kanila ay isang paraan ng pagpaparating sa pamahalaang Yemeni ng kanyang karaingan na pakawalan na ang kanyang anak na lalaki na ikinulong sa gawa-gawang dahilan.
Binanggit din ng mga biktima kay Junco na trinato silang maayos bilang mga bihag.
Gayunman, kahit naganap ang pagdukot, sinabi ng mga Pilipino na ayaw nilang makauwi sa Pilipinas. Binanggit nila ang kabuhayan nila sa Yemen at meron silang pamilya sa Sanaa. Tumanggi rin silang magpatingin sa doktor dahil maayos anila ang kanilang kalagayan.