MANILA, Philippines - Nilinaw ng liderato ng Kamara na hindi pa sila humihingi ng panibagong pondo para sa impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Ayon kay Anwaray party list Rep. Florencio “Bem” Noel na siya ring tagapangulo ng House Committee on Accounts, nagpasabi lang ang prosecution ng posibleng dagdag na alokasyon dahil sa umabot na sa mahigit P3.5 milyon ang kanilang nagagastos sa mahigit dalawang buwang paglilitis.
Idinagdag pa ni Noel na naglaan ang kamara ng P5 milyon para sa prosekusyon para sa maintenance at iba pang operating expenses subalit hindi pa naman ito nauubos.
Nilinaw pa ng kongresista na ang dagdag na alokasyon na kanilang hihingin ay depende sa haba o itatagal pa ng impeachment trial.