PHNOM PENH, Cambodia—Hindi mga domestic helpers ang mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) kundi mga boss sa kanilang mga pinapasukan dito sa Cambodia, ayon kay Philippine Ambassador Noe Wong.
Ayon kay Ambassador Wong, karamihan sa mga OFW’s dito ay mga professionals at ang trabaho ay mga managers, supervisors sa bangko, hotel, casinos habang madami din ang teachers sa mga international schools.
Sinabi pa ni Wong na marami ring mga Pilipino ang nagtatrabaho sa mga pandaigdigang grupo tulad ng Unicef, UNDP at ang iba ay sa mga non-governmental organizations at religious sector.
“Kaya nakakataba ng puso dahil Filipinos here are gainfully employed not as domestic helpers gaya sa ibang bansa. Kaya wala halos tayong problema sa mga OFW’s natin dito,” wika pa ni Wong.
Ipinagmalaki din ni Wong na may mga Filipino products dito tulad ng San Miguel, Purefoods, Mega sardines, Splash personal care products at mayroon din ditong United Laboratories (Unilab).
Samantala, sabik na sabik ang mga Pilipino sa Cambodia na makaharap si Pangulong Benigno Aquino III sa Sofitel Hotel dito bukas, Abril 4.
Nasa mahigit 3,000 ang documented Filipinos na nagtatrabaho sa Cambodia na ang karamihan ay mga guro, engineers, doctor at mga nasa Non-Governmental Organizations (NGO’s).
Ayon kay Antonio Gomez, may-ari ng Castle Gold Limited dito, “natutuwa kami na mabibisita kami ni Pangulong Aquino upang makita niya ang sitwasyon ng mga Pilipino dito sa Cambodia.”