MANILA, Philippines - Matapos ang halos isang buwang paghahanap, natagpuang wala nang buhay ang isang 75-anyos na lolang Pinay sa Roma, Italy.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs, natagpuan ng Italian Police ang naaagnas na katawan ni Teodora “Doring” Dinglasan, ng Via Francesco Soave 15, Monte Mario zone, matapos mawala noong Pebrero 29.
Positibong kinilala si Dinglasan ng kanyang kaanak base sa narekober ng mga pulis na singsing at hikaw ng biktima na nagtungo sa lugar kung saan nakita ang katawan nito sa Via Duiseppe Allievo.
Dapat ay susunduin nito ang apo sa paaralan sa Montmario sa Rome noong Pebrero 29 subalit hindi na nakauwi pa si Dinglasan.
Nabatid lamang na nawawala ang lola nang tumawag ang guro ng apo dahil walang sumundo sa bata.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang sanhi ng pagkasawi ng matanda na ipinagtataka ng kaanak dahil natagpuan ito sa nasabing lugar.