4 Army officers iko-court martial

MANILA, Philippines - Isasalang na sa General Court Martial (GCM) ang apat na opisyal ng Philippine Army dahil sa isyu ng ‘command res­ponsibility’ kaugnay ng pumalpak na operasyon sa pagkamatay ng 19 miyembro ng Special Forces Company (SFC) sa ambush ng nagsanib puwersang bandidong Muslim sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 2011.

Ayon kay Army Chief Lt. Gen. Emmanuel Bautista, nakitaan ng ‘probable cause’ ng Army’s pre-trial investigation na may pananagutan ang nasabing mga opisyal sa pagkamatay ng nasabing mga sundalo.

Inaasahan namang bubuuin na ang GCM matapos ang paggunita sa Semana Santa sa susunod na buwan.

Ang nasabing tropa ay nakorner ng nagsanib pu­wersang Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na aabot sa 200 ang bilang sa Brgy. Cambug, Al Barkha ng lalawigan.

Kabilang sa mga lilitisin sina Col. Alexander Macario, dating Commander ng Army’s Special Task Force Basilan at mga subordinates nitong sina dating Special Forces chief Col. Aminkadra Undog, dating 4th Special Forces Battalion chief Lt. Leo Pena at dating Special Forces Training School commandant Lt. Col. Orlando Edralin.

Ang mga ito ay nauna nang sinibak sa puwesto sa kainitan na rin ng imbestigasyon sa kaso sa pagtuturuan kung sino ang dapat managot sa trahedya. (Joy Cantos)

Show comments