MANILA, Philippines - Hindi pa tuluyang isinasantabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kahilingan ng labor sector na dagdagan ng P90.00 ang arawang sahod ng mga manggagawa para sa National Capital Region.
Ito’y sa kabila ng naiulat na pagtanggi ng National Wages and Productivity Board sa hiling na umento sa suweldo ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.
Ayon sa tagapagsalita ng DOLE na si director Nikon Fameronag, patuloy na pinag-aaralan ng NWPB ang petisyon ng TUCP para bago sumapit ang Mayo 26, 2012, kung saan magpapaso ang one year ban simula ng ipatupad ang dagdag sahod noong 2011, ay madali na nilang mapagdedesisyunan ang usapin sa wage increase.
Idinahilan din ni Fameronag na batay sa analysis ng DOLE at NSO ay hindi pa naman lumalampas sa pamantayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa price index ang inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa kayat hindi naikonsidera ang petisyon ng TUCP.
Bagaman may pagtaas aniya sa presyo ng mga produktong petrolyo, pagkain at singil sa pamasahe ay hindi pa naman ito lumalampas sa 2.4 percent inflation na pinagbabasehan ng BSP.
Ilan pa sa mga ikinokonsidera ng wage board ayon kay Fameronag, ay ang kakayahan ng mga employer na bayaran ang hinihinging umento ng mga manggagawa, epekto nito sa larangan ng paggawa, sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa at foreign exchange rate.
Mariin pang ipinunto ng opisyal na ang kasalukuyang P426 na minimum wage ay tugma pa rin naman daw sa daily cost of living sa Metro Manila para sa isang obrero na may 5 anak.