MANILA, Philippines - Tuluyan nang inalis ang ban o pagbabawal sa pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa mga bansang Nigeria, Libya at South Sudan.
Ito ang inanunsyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kamakalawa matapos aprubahan ng POEA Governing Board ang tatlong resolusyon base sa rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs na tuluyan nang pagbigyan muli ang mga OFW na makapunta at makapagtrabaho sa tatlong nabanggit na bansa.
Sa tala ng DFA, ipinatupad ang deployment ban sa mga OFWs sa Nigeria noong Enero 22, 2007 dahil sa mga serye ng pagdukot sa mga manggagawang Pinoy. Gayunman, bahagyang na-lift ang ban noong Marso 13, 2007 para sa mga Pinoy na nagbakasyon mula sa Nigeria at nais na makabalik sa kani-kanilang employer.
Pero muling ipinatupad ang ban sa mga OFW kabilang ang mga Pinoy seamen na pumapasok sa Nigeria noong Enero 31, 2008 at bahagyang na-lift noong Agosto 12, 2009.
Sa Libya, ipinatupad ang ban noong Pebrero 22, 2011 kasunod ng pagdedeklara ng mataas na crisis alert dahil sa matinding kaguluhan sa nasabing bansa.
Ipinatupad naman ang total deployment ban sa South Sudan noong Enero 13, 2012 matapos ibaba ng gobyerno ang kautusan na alert level 3 subalit na i-lift din ang ban matapos na irekomenda ng DFA na ibaba sa alert level 1 mula sa alert 3 ang crisis alert level.