MANILA, Philippines - Naghain ng petition for Writ of Kalikasan sa Korte Suprema si dating Las Piñas, Rep. Cynthia Villar laban sa mga land reclamation project sa kahabaan ng baybayin ng Bacoor, Las Piñas at Parañaque na nasasakop ng Manila Bay.
Suportado ng may 315,849 lagda mula sa mga residente ng Las Piñas ng magtungo sa Korte Suprema dakong alas-11 ng umaga si Villar.
Kabilang naman sa mga respondents sa petition ang Altech Contractors Inc. (Alltech), Philippine Reclamation Authority (PRA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Environment Management Bureau (EMB) at lokal na pamahalaan ng Las Piñas.
Base sa petition, dapat na atasan ng Korte Suprema ang respondents na ipatupad ang Parañaque at Las Piñas Coastal Bay project dahil magreresulta lamang ito sa pagkasira ng wildlife habitat sa naturang lugar at magdudulot din umano ito sa mga residente sa paligid ng Las Piñas at Parañaque gayundin sa munisipalidad ng Bacoor ng matinding pagbaha.
Ang nasabing proyekto ay kaugnay sa reclamation ng 635.14 ektarya ng lubog sa tubig na lupa na matatagpuan sa kahabaan ng naturang mga lungsod at munisipalidad.
Sa ulat ng Tricore, dapat ikonsidera ang limang bagay bago gawin ang proyekto kabilang dito ang laki ng tubig, storm surge at waves, climate change, rainfall at reclamation dahil base sa forecast ng Alltech reclamation project, ang ulan na umaabot sa 450mm, malakas na hanging aabot sa halos 200kph, maximum tide ng 1.44 meters at isang metrong pagtaas ng tubig na umaabot sa Mean Sea level (MSL) na dulot ng climate change, ay tuluyang lulubog sa lalim na 0.15 meter to 5.12 meters na tubig baha sa may 37 barangay sa munisipalidad ng Bacoor, 17 bgy. sa Las Piñas at 11 bgy. sa Parañaque.