MANILA, Philippines - Isang human rights group ang naghain kahapon ng reklamo laban kay senator-judge Miriam Defensor-Santiago sa Senate Committee on Ethics kung saan bukod sa reklamo, nais din nilang magpalabas ng public apology ang senadora dahil sa pagmumura at panenermon sa prosecution team ng House of Representatives.
Sa sulat na ipinadala sa komite ng grupong Born Free Coalition for Truth and Justice at Raphael Intelligence and Security Provider Inc., pinuna ng grupo ang diumano’y magaspang na ugali ng senadora.
Lumampas umano ang senadora sa “bounds of propriety, good manners, and right conduct in her public tirade as senator judge against the prosecution panel.”
Ayon kay Socorro Guatlo Jr., lider ng grupo, marapat lamang na magpalabas ng public apology si Santiago dahil sa inasal nito sa impeachment court noong sermunan nito ang prosecution team dahil sa pagbawi ng lima sa inihain nilang Articles of Impeachment laban kay impeached Chief Justice Renato Corona.
“We are demanding to the honorable judge Miriam Defensor Santiago to issue a public apology for and in behalf of the Filipino people,” sabi ni Guatlo sa kanilang sulat.
Partikular na tinuloy ng grupo ang paggamit ng senadora ng mga salitang “mga gago naman” (kayo) patungkol sa prosekusyon sa ika-26 na araw ng impeachment trial.
Isa rin umanong insult sa Integrated Bar of the Philippines ang ginawa ng senadora dahil karamihan sa mga senermunan nito ay mga abogado at mga miyembro ng House of Representatives.
Kaugnay nito, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na ipinauubaya na niya ang reklamo sa komite ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Sinabi pa ni Enrile na hindi siya maaaring magsalita para kay Santiago o maaari niyang kontrolin ang sinasabi nito sa impeachment court.