Pagsasapribado ng Water Districts, tinutulan

MANILA, Philippines - Tinututulan ng Philippine Association of Water District (PAWD) ang panukalang batas na nakahain ngayon sa Senado at Kamara na isapribado ang mga water district sa bansa gayundin ang pagtatatag ng Water and Sanitation Regulatory Authority (WSRA).

Ayon kay Gilbert Camaligan, national president ng PAWD, hindi makatwiran na isapribado ang mga water districts na inihain bilang Senate bill 2997 na inakda ni Senador Edgardo Angara.

Sinabi pa ni Camaligan, ang paglikha ng Water Supply and Sanitation Companies (WSSC) sa ilalim ng section 17 ng SB 2997 na nagpapahintulot na magmay-ari ng lahat ng ari-arian ng mga Water Service Providers (WSPs) ay hindi makakabuti sa publiko.

Aniya, ang pagsasapribado sa mga Water Districts ay malaking pinsala sa may 20,000 empleyado nito na nag­lingkod ng halos tatlong dekada sa gobyerno.

Samantala, nagpaha­yag naman ng pagsuporta ang PAWD sa Senate bill 518 ni Sen. Jinggoy Estrada na nagpapahintulot na magtatag ng Water Regulatory Commission (WRC) na pinapayagan naman ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga water districts sa bansa.

Iginiit pa ni Camaligan na ang pagpapatakbo ng Water Districts ay malayo sa pakikialam ng mga local na pamahalaan at nasasaklaw ito sa Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM) at idineklara itong isang government owned and controlled corporation ng Korte Suprema noong Sept. 13, 1991.

Ang mga Water Districts ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na ang ope­rasyon ay napatunayang matagumpay.

Sinasabing itinatag ang mga Water Districts upang magbigay ng serbisyo at hindi nagpapatubong ne­gosyo.

Show comments