MANILA, Philippines - Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) ang pangamba ng publiko partikular ng mga residente ng Tayasan at Jimalalud sa lalawigan ng Negros Oriental matapos kumalat ang text scare sa mga residente doon na magkakaroon ng isang malakas na lindol sa Marso 28 ng taong ito na maaring magpalubog daw sa lugar.
Muling binigyang diin ni Philvocs Director Renato Solidum na walang sinuman ang maaaring mag-predict kung kailan magkakaroon ng lindol sa alinmang lugar sa bansa laluna sa Negros.
Hinimok ni Director Solidum ang mga residente doon na huwag paniniwalaan ang mga kahalintulad na text messages lalu’t mali-mali naman ang mga impormasyon tungkol sa lindol.
Sa katunayan, wala naman anyang direktang faultline sa Tayasan at Jimalalud, at ang nangyaring paglindol sa Negros Oriental noong February 6 ay nag-paangat pa nga sa ilang parte ng lalawigan. Hindi rin anya nagpapalubog ng isang lugar ang isang faultline.
Sinabi pa ni Solidum na nagpakalat na rin siya ng mga tauhan katuwang ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga lugar na nilindol para magpaliwanag sa publiko kung ano ang lindol at ano ang mga dapat gawin sakaling magkaroon ng mga pagyanig sa kanilang lugar.