MANILA, Philippines - Hindi na papatawan ng parusa ng impeachment court si Private Prosecutor Atty. Vitaliano Aguirre kayat lusot na ito sa kulong at dagdag na parusa ng Senado.
Ito’y sa kabila ng pagpapataw ng contempt ng impeachment court matapos ang ginawang pambabastos sa paglilitis sa kaso ni Chief Justice Renato Corona nang takpan ang dalawang tenga habang nagsasalita si Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago.
Sa ginawang caucus kahapon, nagkaisa ang mga senator-judges na admonition lamang ang ipapataw kay Aguirre o babala laban sa ginawa nitong pambabastos sa impeachment court at pinagsabihan na huwag ng uulitin.
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, hindi na nila pinatawan ng mabigat na parusa ang abogado upang hindi na lumaki pa ang isyu at magkaroon ng katahimikan ang impeachment court sa halip ay nais nilang tutukan ang paglilitis sa kaso ni Corona.
Nagpasya rin ang mga senator-judges na huwag nang payagan si Aguirre na humarap sa impeachment court bilang private prosecutor, bagamat una na ring nagbitiw sa kanyang posisyon sa prosekusyon ang abogado.
Tanggap naman ni Sen. Santiago ang naging desisyon ng Senado.
Samantala, tinanggap na rin ng impeachment court bilang ebidensiya ang mga bank records ni Corona.