MANILA, Philippines - Hindi na naman nabasahan ng sakdal sa kasong electoral sabotage si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Sr. makaraang magpasya ang huwes ng Pasay City Regional Trial Court na humahawak ng kaso resolbahin muna ang “motion to quash” na isinampa nito.
Itinakda ngayong Miyerkules (Marso 7) ni Judge Eugenio Dela Cruz ng Pasay RTC branch 117 ang pagpapalabas ng resolusyon sa mosyon na layong ibasura ang kaso laban kay Abalos. Ikinatwiran ni Dela Cruz na kung mababasahan na ng sakdal agad si Abalos ay mawawalan na ng saysay ang lahat ng mosyon na isinampa ng mga abogado nito tulad ng motion to quash at maging ang “motion to post bail”.
Hindi rin natuloy kahapon ang pagdinig sa inihain pang mosyon ni Abalos na humihiling ng paliwanag kung bakit dapat manatili ang kapwa akusado na si Cotabato provincial election supervisor Atty. Lilian Radam sa Witness Protection Program (WPP), gayung may nakabinbin pang warrant of arrest laban sa kanya. Nasa ilalim ng WPP si Radam makaraang magpahayag ito ng intensyon na maging testigo laban kay Abalos.
Iginiit ni Atty. Brigido Dulay na walang nakasaad sa batas na pinapahintulutan ang “provisional custody” sa ilalim ng WPP sa isang akusadong nahaharap sa kaso at may inilabas ng warrant of arrest tulad ng ginawa kay Radam. Dapat munang isuko muna sa korte si Radam at hintaying maglabas ang huwes ng “commitment order” kung saan ito ikukulong o ilalagay sa kustodiya.
Kumpiyansa naman ang kampo ng prosekusyon na ibabasura ng korte ang inihaing mosyon ni Abalos dahil malakas umano ang mga ebidensiya at testigong kanilang nakalap na magpapatunay na sangkot sa kasong electoral sabotage ang dating chairman. Sinabi ni Atty. Esmeralda Ladra na nasa 22-testigo ang handa nilang iharap sa korte na sapat na umano para madiin si Abalos.