MANILA, Philippines - Dahil sa pagkakapaslang sa isang naholdap na estudyante ng University of the Philippines-Los Baños kamakalawa, sinibak na sa puwesto kahapon ang hepe ng pulisya ng Los Baños, Laguna at 50 pang pulis o buong puwersa ng nasabing himpilan. Ito’y kasunod ng utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Nicanor Bartolome na balasahin ang buong puwersa ng Los Baños Police. Kinilala ni Police Regional Office (PRO) IV A Director P/Chief Supt.James Melad ang sinibak na opisyal na si Los Baños Chief of Police Supt. Dante Novicio. Ang mga ito ay nasibak kaugnay ng pagkakapatay sa 19 anyos na si BS Agriculture student Ray Bernard Peñaranda na pinagsasaksak matapos pumalag sa mga notoryus na holdaper sa harapan ng gate ng UPLB.