Necrological rites kay Iggy isinagawa sa Kamara

MANILA, Philippines - Nagsagawa kahapon  ng necrological service ang Kamara para sa namayapang si Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang dumating ang labi ni Arroyo sa plenaryo ng Kamara mula sa La Vista, Quezon City kung saan kasama nito ang miyembro ng kanyang pamilya at kaibigan.

Kabilang sa dumating mula sa miyembro ng pamilya ng pumanaw na mambabatas ang legal na asawa nito na si Aleli Arroyo, dating First Gentleman Mike Arroyo. Reps. Dato at Mikey Arroyo at mga anak ng yumaong kongresista na sila Bianca, Dina at Alelu.

Upang maiwasan naman ang komprontasyon, tanging si Aleli ang nakaupo sa session hall na inilaan para sa mga miyembro ng pamilya nito samantalang ang common law wife nito na si Grace Ibuna at kanyang pamilya ay nakaupo lamang sa gallery.

Kabilang naman sa mga mambabatas na nagsalita sa necrological service sina Rep. Antonio Lagdameo, Rep. Jeffrey Ferrer, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, Minority leader Danilo Suarez at Speaker Sonny Belmonte na kapwa inilarawan si Iggy bilang isang mapagkumbabang kaibigan.

Samantala, nang magsalita naman si Aleli ay biglang lumabas ng plenary si Ibuna at muli lamang pumasok nang ang mga anak ng kongresista ang nagsalita.

Bandang ala-1 ng hapon nang alisin ang labi ng kongresista upang dalhin naman sa isang simbahan at sa Hinigaran, Negros Occidental kung saan si Ibuna naman ang nagdala para sa tatlong araw na burol at muli itong ibabalik sa La Vista para sa huling lamay at saka ililibing ng Biyernes ng umaga sa North Cemetery.

Inaasahan ding darating sa misa sa La Vista si Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa Biyernes matapos itong payagan ng korte subalit kaagad ding ibabalik sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) at hindi na makikipaglibing pa.

Nauna rito, nawalan ng gana ang kampo ni Aleli sa pagpapakita ni Grace sa necrological service ni Arroyo.

Sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Aleli, na ipinakita ni Ibuna ang kawalang respeto nito nang pumunta siya sa Kongreso.

Ayon kay Kapunan, hindi pumunta ang kanyang kliyente sa airport nang dumating ang labi ni Iggy kasama si Ibuna, gayundin sa Arlington Funeral Homes “out of respect.”

Tinuligsa ni Kapunan ang pagkaway ni Ibuna sa mga dumalo sa necrological service samantalang si Aleli ay nananahimik sa isang tabi. 

Sa kaugnay na ulat, hindi pinayagan ng Pasay City Regional Trial Court si Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makadalo sa libing ng bayaw na si da­ting Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo sa darating na Biyernes sa Manila North Cemetery.

Sa halip, pinayagan lamang ni Pasay RTC branch 112 Judge Jesus Mupas na makadalo na lamang ang dating Pangulo sa huling misa ng burol ni Iggy sa Biyernes ng umaga na gaganapin sa “ancestral house” ng mga Arroyo sa La Vista Subdivision sa Quezon City.

Show comments