MANILA, Philippines - Humingi kahapon ng paumanhin kay Senator-judge Miriam Defensor-Santiago ang private prosecutor na si Lawyer Vitaliano Aguirre dahil sa kanyang ginawi sa impeachment trial kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona na ikinabalisa ng senadora.
Tumaas sa 190/90 ang alta presyon ni Santiago pagkatapos ng mainitang pagtatalo nila na dahilan para suspindihin ni Senate President Juan Ponce Enrile ang paglilitis noong Miyerkules.
Ginawa ni Aquirre ang paghingi ng paumanhin sa panayam sa kanya.
Gayunman, iginiit ni Aguirre na walang dapat ihingi ng paumanhin sa kanyang ginawa na tinatakpan niya ang kanyang mga tenga habang kinakastigong muli ni Santiago ang prosecution na dahilan para idesekato siya o i-cite for contempt of court ng Senado.
“May konting mali pero di pambabastos iyon sa impeachment court. Malaki ang paggalang ko sa kanya [Senate President Juan Ponce Enrile], binigyan niya ako ng tsansang magpaliwanag,” sabi pa ni Aguirre sa ulat.
Humingi rin si Aguirre sa mga kasamahan niya sa prosecution panel para sa anumang masamang epekto sa kanila ng nagawa niya.
Samantala, bagaman pag-uusapan pa lamang ng mga senador kung ano ang dapat igawad na parusa kay Aguirre dahil sa pambabastos kay Santiago at sa impeachment court kamakalawa, nais ni Enrile na ikulong ito sa Senado sa loob ng dalawang araw.
Sinabi ni Enrile na naiintindihan niya ang sobrang frustrations ni Santiago dahil sa pangangapa ng prosekusyon na ilang beses na ring nasabihan na hindi handa sa isinampang walong Articles of Impeachment pero binawi na ang lima.
“Pag nakikita namin ang kapwa abogado namin na nangangapa, frustrating ‘yon,” sabi ni Enrile.
Matatandaan na mismong si Santiago ang nagpa-contempt kay Aguirre matapos isumbong ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada sa impeachment court na nagtatakip ng tenga habang sinesermunan ni Santiago ang prosekusyon dahil sa ginawang pagbawi ng lima sa walong Articles of Impeachment.
Ayon kay Enrile, normal lamang sa mga hukom na sermunan ang mga abogadong nagtutungo sa korte ng hindi handa sa kanilang kaso.
Sa ibang kaganapan, ipina-contempt kahapon ni Enrile ang isang examiner ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kasama sa mga nag-imbestiga sa bank records ni Corona sa Philippine Savings Bank noong 2010.
Sa pagdinig ng Se nate Committe on Banks, inakusahan ni Enrile si Jerry Leal, isang anti-money laundering examiner ng BSP ng pagsisinungaling dahil sa ginawa nitong pagbawi ng unang pahayag noong Pebrero 27 na hindi nito nakita ang bank records ni Corona nang magsagawa sila ng audit sa BSP.
Pero kahapon ay inamin ni Leal sa hearing ng komite na nagkaroon siya ng access sa bank records ni Corona.
Kapwa naman itinanggi ng BSP at ng PS Bank na sa kanila nagmula ang sinasabing bank documents ni Corona na ginamit ng prosekusyon sa impeachment trial ni Corona.