MANILA, Philippines - Nais nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at dating Pangulong Joseph Estrada na magkabati na matapos ang mahabang panahon na hindi pagkakaunawaan.
Unang nagsalita si Lacson na nais na nitong makipagbati kay Estrada dahil hindi umano niya makalimutan ang kanilang mga pinagdaanan.
“Ako ang nag-initiate, sabi ko I want to make peace with him. After all, tuwing maaalala ko ang pinagdaanan naming noong araw marami kaming hirap na nagdaan, VP (vice president) siya noong 1992,” sabi ni Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na panahon na upang kalimutan ang lahat ng hindi nila pagkakaunawaan.
Payag din si Lacson na maging tulay sa kanilang pababati ni Erap ang anak nitong si Senator Jose “Jinggoy” Estrada.
Matatandaan na si Estrada ang nagtalaga kay Lacson bilang hepe ng Philippine National Police noong presidente pa ito ng bansa noong 1999.
Nagsilbi rin si Lacson bilang pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force ng PNP.
Sa isang hiwalay na panayam sinabi naman ni Sen. Estrada na nakahanda siyang maging tulay para magkabati na ang kaniyang ama at si Lacson.
Napaulat naman na sinabi ni dating Pangulong Estrada na hindi na kailangang gumamit ni Lacson ng ‘tulay’ upang makipag-usap lamang sa kaniya.
“Hindi na kailangan ng tulay, maraming bagyo ngayon baka mabuwag pa yung tulay, diretso na lang. Hindi ko na kailangan ng tulay-tulay,” sabi ng dating pangulo.