MANILA, Philippines - Inabswelto ng House of Representatives Committee on Games and Amusement si Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chairman Cristino “Bong” Naguit Jr. sa umano’y katiwalian na nag-ugat sa pagtanggap ng accommodation at dinner sa Wynn’s Resorts sa Macau.
Ipinaliwanag ni Manila Rep. Amado Bagatsing na siya ring chairman ng komite na, bukod sa ito na ang nakagawian sa industriya, si Naguit at ang mga miyembro ng delegasyon nito ay bumisita sa Macau base sa imbitasyon ni Japanese Magnate Kazuo Okada na nagpapatulong din upang maisara na ang $2 billion halaga ng investments sa bansa.
Bukod dito, nais ding masiguro ni Naguit na magtatagumpay ang Entertainment City na maaaring kumita ng $10 bilyon mula 2015 hanggang 2016 kapag naitayo na ang Travellers International Hotel.
Idinagdag pa ni Bagatsing na naging collateral damage lamang si Naguit sa pagitan ng away nina Okada na director ng Wynn na may 19.7 porsiyento sa firm at si Steve Wynn, ang kasosyo nito, at may-ari ng Wynn Resorts at Casino sa Macau.
Ayon pa sa mambabatas, ang proyekto ni Okada na papasok sa Pagcor ay posibleng magpabagsak ng gambling operations sa Las Vegas, Macau at Singapore samantalang lalo naman itong magpapaangat sa industriya ng turismo sa bansa.
Para naman kay Naguit, ginagawa lamang nito ang kanyang trabaho nang pagbigyan ang imbitasyon ni Okada upang makapagtayo pa ng mas maraming trabaho sa bansa sa sandaling maitatag na ang Entertainment City na inaasahang magbibigay daan din sa tinatayang 1,000,000 turista sa bansa na magdudulot din ng mas malaking kita sa gobyerno.