MANILA, Philippines - Tinanggihan ng Senado na umaaktong impeachment court na padalhan ng subpoena si Supreme Court Associate Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa ika-24 na araw ng impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, sinabi ni Presiding Judge Juan Ponce Enrile na tinitimbang ng korte ang mga aksyon nito para maiwasang makipagbanggaan ito sa Mataas na Hukuman.
Sinabi rin ni Enrile na binawi na ni Senator-Judge Antonio Trillanes IV ang motion nito na padalhan ng written interrogatories si Sereno.
Sinasabi ni Trillanes na kailangan ito dahil sa kahalagahan ng kaalaman ni Sereno sa mga pangyayari sa desisyon ng Mataas na Hukuman sa temporary restraining order sa watchlist order na nagbabawal kay dating Pangulong Gloria Arroyo na lumabas ng bansa noong Nobyembre.
Umaasa ang tagausig na makakatulong si Sereno para patunayan na tinangka ni Corona na tulungan si Arroyo na makaalis ng Pilipinas para makatakas sa pag-uusig.
Gayunman, umaasa pa rin ang Malacañang na boluntaryong tetestigo si Sereno sa impeachment trial laban kay Corona sa Senado.
Sa paglilitis pa rin, muling kinastigo ni Senador Miriam Santiago ang prosecution team kasabay ng pagsasabing mapapatunayan niyang nagsinungaling sa kanyang sinumpaan ang isang kongresista.
“Meron akong katibayan na isang kongresista nang magbigay siya ng testimonya. Huwag ninyo akong pilitin. Mapapatunayan kong nagsinungaling siya,” dagdag niya nang hindi kinikilala kung sino ang tinutukoy niya.
Tatlong testigo naman ang iprinisinta kahapon ng prosecution panel sa pagpapatuloy ng paglilitis. Unang iniharap si Dr. Julit Gopez-Cervantes, ang duktor na tumitingin kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Isinumite ni Cervantes ang medical certificate ni Arroyo na dumanas ng hypothyrodism na nagdudulot ng metabolic bone disease at osteoporosis.
Iginigiit ng tagausig na hindi banta sa buhay ng dating pangulo ang sakit nito kaya hindi kailangang magpagamot sa ibang bansa.
Pagkatapos ni Cervantes ay humarap si Emma Abanador na chief administrative officer ng Office of the Vice President. Isinumite niya ang certificate of service ni Corona na naging dating legal consultant ni Arroyo noong isa pa itong bise presidente ng bansa. Pangatlong testigo si Edmund Lasalla, cameraman ng ABS-CBN News, na kumuha ng footage ng pulong-balitaan ni Supreme Court Administrator Midas Marquez hinggil sa TRO na ipinalabas ng Mataas na Hukuman noong nakaraang taon.