MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Department of Foreign Affairs na iniimbestigahan nito ang pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker sa Syria na dapat sanang nakauwi sa Pilipinas noong nakaraang linggo.
Sinabi ng DFA na isang babae ang OFW pero hindi nito binanggit ang pangalan ng biktima dahil hindi pa nasasabihan ang pamilya nito hinggil sa nangyari rito.
Sinasabi sa ulat na isinugod ang OFW sa Mujtahed Hospital sa Damascus, Syria habang naghihintay sa Damascus International Airport noong Pebrero 22 para sa eroplanong bibiyahe patungo sa Pilipinas. Kasama niya ang 11 pang OFW na takda ring makaalis sa Syria pabalik sa bansa.
Sinabi pa ng DFA na umaabot na sa 1,000 Pilipino ang napabalik sa Pilipinas mula nang magsimula ang kaguluhan sa Syria noong nakaraang taon.
Ipinabatid ng Philippine Embassy sa Damascus na 1,008 Pilipino ang tumanggap sa repatriation na iniaalok ng pamahalaang Pilipino. Kabilang dito ang 35 Pilipina na dumating sa Pilipinas lulan ng dalawang eroplano ng Emirates noong Linggo.
May 11 buwan na ang nakakaraan nang magsimula ang rebolusyon sa Syria na sumakay sa mapayapang mga demonstrasyon laban sa rehimen ni Syrian President Bashar al-Assad.
Mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang Rapid Response team ng Pilipinas sa Ministry of Foreign Affairs at ng International Committee of the Red Cross ng Syria para matulungan ang mga OFW na aalis sa Syria.
Hinihinala na posibleng nasawi ang nasabing OFW bunsod ng ‘renal failure’.
Magugunita na isa pang OFW na nakilalang si Ma. Violeta Cortez ang namatay sa Syria matapos na tumakas sa amo at naiulat na nagpupumilit na tumungo sa Embahada sa Damascus upang sumabay sa mga kapwa na nagnanais na lumikas sa Syria kasunod ng deklarasyon na unang voluntary evacuation at sinundan ng mandatory evacuation sa ilalim ng alert level 4 bunsod ng matinding bakbakan sa nasabing rehiyon.