MANILA, Philippines - Umuwing mga bagong milyonaryo ang dalawang masuwerteng mananaya ng lotto makaraang kubrahin na nitong nakaraang Biyernes sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City ang multi-milyon nilang panalo.
Personal na iniabot ni PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II sa 42-anyos na may-ari ng sari-sari store sa Pasay City ang kabuuang premyong P22,451,747.60 na solong napanalunan sa 6/49 lotto draw na binola noong Pebrero 23 matapos makuha ang kumbinasyong 10-09-26-11-12-16.
Kinuha ng mapalad na mananaya ang numero mula sa petsa ng kanyang kapanganakan, asawa at nag-iisang anak na tinayaan ng P100. Plano niyang maglaan ng malaking puhunan sa kanyang maliit na sari-sari store upang mapalago ito bilang groserya.
Kinubra rin naman ng isang 37-anyos na factory worker na taga-Taytay, Rizal ang kalahati ng mahigit P300 milyong pisong premyo sa 6/55 Grand Lotto na binola noong Pebrero 15 matapos masapol ang kumbinasyong 10-20-11-16-28-14.
Umabot sa kabuuang premyong P150,077,270.00 ang naiuwi ng bagong instant milyonaryo mula sa mahigit P300 milyong pinaghatian nila ng isang senior citizen sa Southern Leyte na una ng kumubra sa kanyang panalo.
Sinabi ng bagong milyonaryo na hihingi naman siya ng payo buhat sa bangko kung paano pangangalagaan ang kanyang kayamanan at kung saan magandang i-invest ito.