MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Department of Labor and Employment ang mga bagong graduates laban sa mga illegal recruiters at placement agencies sa kanilang paghahanap ng trabaho.
Payo ng DOLE sa mga nais makahanap ng trabaho, mas mabuting makipag-ugnayan muna sila sa regional at field offices ng DOLE para sa listahan ng licensed private recruitment at placement agencies bago sumabak sa paghahanap ng trabaho.
Ayon sa DOLE, kailangan na maging alerto at matalino ang mga bagong graduates sa paghahanap ng trabaho dahil ito naman ang pagkakataon ng mga illegal recuiters na magamit ang mga ito sa panloloko.
Sa Executive Order No. 797, nabigyang kapangyarihan ang DOLE upang i-regulate at i-supervise ang private sector sa kanilang partisipasyon sa recruitment at placement ng mga manggagawa sa bansa.
Ayon kay Baldoz, makikipagtulungan ang DOLE at Public Employment Service Offices (PESO) sa mga jobseeker upang matukoy ang authenticity ng local recruitment agencies.
Mayroong updated directory ng PESO offices sa Bureau of Local Employment website ng DOLE.
Iginiit naman ni Baldoz na maaaring dumalo ang graduates sa job fairs, training, at career counseling ng DOLE na makatutulong sa paghahanap ng trabaho.?Hindi umano dapat na magpadala o magpahikayat ang mga newly graduates sa mga nakakalulang alok na humahantong sa panloloko sa kanila.