MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Kamara ang pagpapatupad ng 100 porsiyentong pagtataas ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance (PhilHealth).
Ito’y matapos na aprubahan ng House Committe on Health ang motion ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone na pumipigil sa pagpapatupad ng 100% pagtataas ng kontribusyon sa PhilHealth na ipapatupad sana ngayong Hunyo.
Sa inilabas na resolution ng komite, ang pagsuspinde ay dahil sa pag-angal ng mga stakeholders dahil sa kawalan umano ng konsultasyon sa pagtataas ng kontribusyon.
Bukod dito, nangangamba din na hindi na mabawasan ang miyembro ng PhilHealth dahil sa hindi na makapag- renew ng membership ang iba.
Umaasa din si Evardone na pakikinggan ng PhilHealth ang bukod na resolution na inihain nina Batangas Rep. Mark Mendoza at Cagayan Rep. Rufus Rodriguez na bukod na imbestigasyon bunsod sa pagtataas ng kontribusyon.