Umali, Banal posibleng makulong ng 5 taon - Miriam

MANILA, Philippines - Posibleng makulong mula isa hanggang 5 taon sina Quezon City Rep. Jorge Banal at Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali sa pagtataglay ng impormasyon kaugnay sa isang dollar account na sakop ng Republic Act 6426 o Foreign Currency Deposit Act of the Philippines.

Sa ika-20 araw ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, sinabi ni  Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago ang penal provisions o parusa sa sinumang lalabag sa nasabing batas ay pagkabilanggo ng hindi bababa sa isang taon pero hindi lalampas sa limang taon o multa na hindi bababa sa P5,000 pero hindi lalampas sa P25,000.

Ayon kay Santiago, mahigpit na ipinagbabawal ng nasabing batas ang pag-e-exa­mine, pagtingin o kahit pa pagtatanong lamang tungkol sa isang account na sakop ng RA 6426.

Naiintindihan umano ng senadora kung bakit labis na ikinagulat ni Annabelle Tiongson, branch manager ng Philippine Savings Bank-Katipunan branch nang makita ang dala-dalang dokumento ni Banal na kahalintulad ng signature card ni Corona dahil mahigpit ang batas tungkol sa foreign currency deposit na hindi umano maaaring tingnan ng kahit na sinong government official.

Binasa pa ni Santiago ang Section 8 o secrecy of foreign currency deposit kung saan ikinokonsiderang “absolutely confidential” ang mga foreign currency deposits na maaari lamang tingnan kung may written permission ang depositor.

Samantala, sinabi kahapon ni Sen. Joker Arroyo na nagagamit ng Malacañang ang Anti-Money Launde­ring Council (AMLC) laban sa mga kalaban ng gobyerno.

Nagpahayag ng pag­­kabahala si Arroyo matapos lumabas sa ika-20 pagdinig ng Senate impeachment court na nagsagawa ng pagsisiyasat ang AMLC sa Philippine Savings Bank kung saan kasama sa ini-audit ang accounts ni impeached Chief Justice Renato Corona mula noong Setyembre hanggang Nobyembre 2010.

Ayon kay Arroyo, nakakapagtaka na sa nabanggit na panahon ay iniimbestigahan na si Corona na na-impeached noong Dis­yembre 12, 2011.

“I find it strange that as far back as September to November 2010, there was already an inquiry on Chief Justice Corona,” sabi ni Arroyo.

“If we offend Malacañang, if we do not follow Malacañang they can proceed against us with the information gathered through AMLC. It is a disturbing thought,” sabi ni Arroyo.

Samantala, sinabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada na lumalabas na hindi sa PS Bank nagmula ang mga dokumento ng proseku­syon tungkol sa mga bank accounts ni Corona kundi sa AMLC.

 Ayon kay Sen. Estrada na mukha uma­nong isineroks ang signature card ni Corona at itinago at inilabas noong ma-impeached ito sa House of Representatives.

Show comments