MANILA, Philippines - Inakusahan ni Pangulong Aquino si Chief Justice Renato Corona na kaya ito iniupo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay upang pagtakpan ang mga katiwalian nito.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa Pulong Bayan na ginanap kahapon sa La Consolacion College-Manila, sana ay huwag naman daw paikutin ni Corona ang taumbayan dahil malinaw na kaya siya inalagay ni CGMA ay upang maging ‘panangga’ nito sa mga kasong isasampa sa kanya sa pag-alis nito sa poder noong 2010.
Wika ng Pangulo, dapat tandaan ng taumbayan na ang punong mahistrado na nahaharap ngayon sa impeachment trial ang mismong nagpilit na makaalis ng bansa si CGMA matapos magpalabas ng temporary restraining order hinggil sa watchlist order ng DOJ.
“Ibig sabihin, sa pagpapataw ng TRO sa watchlist order natin, binigyan ng pagkakataong magtago si Ginang Arroyo, sakaling natuloy siya sa pagtakas at bumalik ng Mayo 2012 hindi na po natin siya mapapanagot sa diumano’y mga sala niya,” paliwanag pa ni PNoy.
Binatikos din ni Aquino si Corona sa pagsisinungaling nito sa kanyang SALN kung saan ay P3.5 milyon lamang ang idineklara nitong pera sa bangko gayung lumilitaw ngayon na P35 milyon mahigit ang kanyang account sa PSBank at BPI.
Aniya, ang isang court interpreter sa Davao RTC na hindi noon nagdeklara ng kanyang kita mula sa maliit na puwesto sa palengke sa kanyang SALN noong 1997 ay sinibak sa trabaho kaya ngayon ano ang dapat ipataw na parusa kay Corona na malinaw pa sa sikat ng araw na nagsisinungaling sa idineklarang SALN nito noong 2010.
Inilantad din ng Pangulo sa mga estudyanteng lumahok sa Pulong Bayan na hindi maituturing na naisapubliko ang SALN ni Corona dahil nakalagay lamang ito sa naka-locked na filing cabinet.
Sinabi pa ng Pangulo, kailan ang sinasabi ni Corona na ‘in due time’ ay ilalabas niya ang kanyang kayamanan gayung ‘over due’ na raw ang punong mahistrado sa pagtatago ng katotohanan sa kanyang SALN.