MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na paglulunsad sa mga LPG-taxi at unti-unting pagdami ng mga CNG-bus, target naman ngayong i-promote ng Department of Energy (DoE) ang pagkakaroon ng mga CNG jeepney sa lansangan.
Sinabi ni Director Evelyn Reyes ng DoE Energy Utilization and Management Bureau na hindi tulad ng mga electric jeep o E-jeep na pinapagana ng kuryente, patatakbuhin ng compressed natural gas (CNG) ang mga pampasaherong dyip na bukod sa menos gastos ay malaking kabawasan din sa ibinubugang polusyon.
Bagama’t hindi nabanggit ng opisyal kung kelan ipatutupad ang naturang proyekto, sa ngayon aniya ay patuloy ang kanilang pagte-test sa bagong teknolohiya katuwang ang grupo ng mga mechanical engineer mula sa University of the Philippines.
Bahagi ang programa ng Natural Gas Vehicle Program for Public Transport na ipinatutupad ng administrasyong Aquino upang mabawasan ang pangangailangan at pagkonsumo ng bansa sa petrolyo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga alternatibong enerhiya at iba pang mapagkukunan ng kuryente.
Sa kasalukuyan, tinatayang aabot sa 70% ng kabuuang inaangkat na produktong petrolyo ng bansa ay napupunta sa transport sector, habang 90% naman ng bahaging ito ay ginagamit para sa pampublikong transportasyon, ani Reyes.