18 pulis ikinasal sa mass wedding

MANILA, Philippines - Bilang handog sa mga pulis na hindi pa kasal sa simbahan, 18 pulis at kanilang mga kapareha sa buhay ang ikinasal sa mismong Araw ng mga Puso sa Camp Crame kahapon.

Pinangunahan ni AFP-PNP Bishop Leopoldo Tumulak ang pagkakasal sa mga pulis at kanilang mga kabiyak sa St. Joseph Church bilang bahagi ng 21st Foundation day ng PNP.

Ipinaalala naman ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na isa sa mga pangunahing sponsor o ninong sa mass wedding, sa mga mister na pulis at iba pa na sa tuwina lalo na kapag may mahalagang okasyon tulad ng Araw ng mga Puso ay huwag kalimutang bigyan ng rosas o anumang uri ng bulaklak ang kanilang mga misis bilang tanda ng kanilang pagmamahal.

Isa sa mga ikinasal ay si Sr. Inspector Ramon Nazario ng Manila Police District at Rowena Anob na bagaman 11 taon ng nagsasama sa ‘civil wedding‘ at may tatlong anak ay mas nais pa ring makasal sa simbahan.

Dapat ay 20 pares ng mga magsing-irog ang ikinasal pero nabigong makadalo ang dalawa pang pares dahil nagkasakit ang isa habang ang isa pa ay may inaasikaso umanong problema .

Bukod sa libreng gastusin sa kasal ay sinagot rin ng PNP ang reception na ginanap sa PNP multi-purpose hall ng Camp Crame.

Show comments