'No TRO' sa trial

MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling nabigo ang kampo ni Chief Justice Renato Corona na pigilan ang impeachment trial makaraang hindi magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema at sa halip ay pinagsusumite ng komento ang kampo ng Senado at Kamara sa inihaing supplemental petition ng kampo ng punong mahistrado.

Binigyan lamang ang Kongreso ng 10 araw upang magpaliwanag.

Sa supplemental petition ay tahasang iginiit ng kampo ng depensa na nalalabag na ang right to due process ni Corona sa impeachment proceedings dahil ilan umano sa mga senator-judges ay nagpapakita na ng pagkiling at umaakto na bilang mga prosecutor.

Dahil duon, dapat na umanong ideklara ng Korte Suprema ang impeachment complaint bilang null and void at pigilin ang pagpapatuloy ng impeachment proceedings. 

Samantala, nagdaos ng pangalawang en banc session kahapon ng alas-3 ng hapon para naman talakayin ang ipalalabas na guideline o panuntunan na gagabay sa mga mahistrado at opisyal ng kataas-taasang hukuman na ipatatawag ng Senate Impeachment Court.

Ayon kay SC spokesman Midas Marquez, tinalakay din sa en banc ang mga subpoena na natanggap noong Biyernes ng SC Clerk of Court at Assistant Clerk of Court. 

Show comments