MANILA, Philippines - Sa Marso pa isasagawa ng Pasay City Regional Trial Court ang pagbasa ng sakdal sa electoral sabotage kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos at iba pang akusado.
Ngayong Lunes sana isasagawa ang pagbasa ng sakdal kay Abalos ngunit ipinagpaliban ito ni Judge Jesus Mupas ng RTC branch 112 sa Marso 26 makaraang hilingin ng abogado ng akusado na si Atty. Cherry dela Cruz na resolbahin muna ang motion for reconsideration sa ibinasurang motion for inhibition ng huwes sa kaso.
Pinakiusapan rin ng panig ni Abalos na resolbahin muna ng korte ang mosyon nila para maghain ng piyansa, pati na rin ang motion to quash sa naturang kaso.
Pinaboran naman ito ng panig ng prosekusyon buhat sa Comelec na nagsabi na dapat resolbahin muna ang naturang tatlong mosyon.
Inatasan naman ni Mupas ang tagausig na maghain ng kanilang komento sa loob ng 10-araw sa mosyon ni Abalos na makapaghain ng piyansa at limang araw para sa motion to quash o tuluyang pagbasura sa kaso.
Kaugnay nito’y iniurong rin ni Judge Mupas sa Marso 19 ang arraignment rin ni Pampanga 2nd district Rep. Arroyo na gaganapin sana sa darating na Pebrero 19. Isasabay na dito ang pagbasa rin ng sakdal kina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at Election Supervisor Lintang Bedol.
Nagpasiya si Mupas na pagsabay-sabayin na ang pagbasa ng demanda sa tatlo matapos humirit ang abogado ni Ampatuan na bigyan pa sila ng sapat na panahon upang makapaghain ng motion for reconsideration sa naibasurang hirit nila na motion to quash.