MANILA, Philippines - Ipinagkibit-balikat lamang ng Palasyo ang banta ng mga transport group na magsasagawa sila ng linggo-linggong kilos-protesta dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, kung nais ng ibat ibang grupo na magsagawa ng kilos-protesta linggo-linggo ay walang makakapigil sa kanila dahil karapatan naman nila ito.
Aniya, ginagawa naman ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Energy (DoE) at Department of Transportation and Communications (DOTC) ang lahat upang matugunan ang kanilang mga kahilingan tulad ng single-ticketing system na inaprubahan na ng mga Metro mayors habang itutuloy na din ng gobyerno ang Pantawid Pasada Program sa mga tsuper ng pampublikong jeep at tricycle bilang tulong sa kanila upang mabawasan ang gastusin sa krudo.