MANILA, Philippines - Iginit kahapon ni Senator Loren Legarda na dapat ay may nakalatag ng plano ang gobyerno sa pagtama ng mas malakas na lindol sa Pililipinas matapos ang naranasang 6.9 magnitude na earthquake sa Negros Oriental kamakailan.
Ipinaalala ni Legarda ang rekomendasyon na nakapaloob sa Metro Manila Earthquake Study (MMEIRS) na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency noong 2004 kung saan lumabas na posibleng tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol.
Posible umanong masira ang nasa 40% ng residential buildings at 35% public buildings sa sandaling tumama ang mas malakas na lindol. Tinatayang aabot din umano sa 34,000 ang mamamatay at 114,000 ang masusugatan.
Malaking sunog din umano ang lilikhain ng lindol kung saan nasa karagdagang 118,000 ang posibleng masawi.
Sinabi ni Legarda na alam naman ng gobyerno na ang Pilipinas ay isa sa “most vulnerable” na bansa na maaaring tamaan ng lindol kaya dapat ay nakahanda lagi ang gobyerno.
Isa umano sa maaaring gawin ng gobyerno ay ang pagtatayo ng mga early warning system para sa lindol at tsunami at siguraduhin ang katatagan ng mga gusali at iba’t ibang uri ng imprastruktura.
Dapat din umanong magkaroon ng back-up systems sa mga vital utilities sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan.