MANILA, Philippines - Nagpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema kung saan pinipigilan ang PSBank na isumite ang dollar account ni Chief Justice Renato Corona.
Sa botong 8-5-1, hinarang ng SC ang pagsasapubliko ng foreign currency accounts ni Corona na siyang sentro ng paglilitis sa Senado.
Kabilang sa mga humarang sina Associate Justice Teresita Leonardo-de Castro, Arturo Brion, Lucas Bersamin, Martin Villarama, Jose Perez, Bienvenido Reyes, Jose Mendoza at Roberto Abad habang sina Antonio Carpio, Ma. Lourdes Sereno, Mariano del Castillo, Diosdado Peralta at Estela Perlas-Bernabe ay pabor na mabuksan ang dollar account. Nag-inhibit naman sina Corona at Associate Justice Presbiterio Velasco.
Ayon kay SC administrator at spokesman Atty. Midas Marquez, indefinite ang TRO.
Ang resolusyon ng Kataas-taasang hukuman ay kaugnay sa isinampang petition for certiorari and prohibition ng PSBank para mapigilan ang impeachment court sa pagpapalabas ng subpoena laban sa bank records ng punong mahistrado.
Batay sa umiiral na Foreign Currency Deposit Act, mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagsasapubliko ng mga foreign currency bank accounts kung walang pahintulot mula mismo sa may-ari nito.