MANILA, Philippines - Dalawang araw matapos tumama ang 6.9 magnitude na lindol sa Visayas Region, nagtaasan na ang presyo ng gulay, isda at karne sa Negros Oriental laluna sa mga bayang higit na sinalanta ng trahedya.
Ayon kay Agriculture assistant secretary Salvador Salacup, inatasan na ni DA Secretary Proceso Alcala ang mga regional directors ng DA sa mga kalapit na rehiyon na kausapin ang mga supplier sa mga hindi apektadong lugar na magpadala ng suplay ng agricultural products sa Negros Oriental upang hindi na tumaas pa ang halaga ng naturang mga bilihin dahil magiging sapat ang suplay ng mga ito doon.
Paliwanag ni Salacup, sa ganitong paraan mapupunan ang kakapusan ng suplay at maibababa ang presyo ng mga agricultural product.
Pinamamadali na rin ng DA sa National Food Authority (NFA) ang pagpapadala ng bigas sa Negros Oriental.
Sa talaan ng DA, umabot na sa P68 milyong halaga ng irigasyon ang nasira sa irrigation system sa Negros Oriental habang nasa P7 milyon naman ang nasira sa fisheries sector.
Pinamamadali na ni Alcala ang pagkumpuni sa mga napinsalang irigasyon laluna at nalalapit na ang panahon ng tag-araw.