Aftershocks tatagal pa ng 1 buwan

DUMAGUETE CITY, Philippines - Tatagal pa ng ilang linggo hanggang isang buwan ang mararanasang mga aftershocks matapos ang 6.9 magnitude na lindol na yumanig sa Negros island at karatig lalawigan sa Visayas.

Ito ang sinabi ni Phivolcs director Renato Solidum matapos makapagtala sila ng 1,239 na aftershocks pero nasa 75 lamang ang mismong naramdaman ng mga re­sidente ng Negros.

Sinabi ni Solidum, nor­mal lamang ang mga nararanasang aftershocks bunga ng 6.9 magnitude na lindol kamakailan na tectonic ang origin o nasa dagat.

Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga residente na mag-ingat lalo sa mga itinuturing na danger areas­ sa posibleng landslide ka­pag nasabayan ng pag-ulan ang mga nararanasang aftershocks.

Hiniling din ni Solidum sa mga local government units na magsagawa ng inspection sa mga gusali na posibleng nasira sanhi ng malakas na lindol habang pinayuhan din niya ang mga LGU’s na mahigpit na ipatupad ng building code upang masiguro na matibay at ligtas ang mga itinatayong imprastraktura dito.

Personal namang nagtungo si Pangulong Benigno Aquino III sa lalawigan ng Negros Oriental upang mabatid ang lawak ng pinsala ng lindol gayundin upang masiguro na makakarating agad ang mga tulong ng gobyerno sa mga apek­tadong residente.

Nagsagawa ng aerial inspection si Aquino sa La Libertad at Guihul­ngan town upang personal na alamin ang naging da­mage ng nasabing lindol.

Sinabi naman ni Guihulngan Mayor Ernesto Reyes, sa kabila ng ginagawang search and rescue ng mga military sa barangay na nagkaroon ng landslide ay wala pa rin silang nakikita sa iniulat na 29 katao na nawawala doon na pinangangambahang natabunan ng landslide.

Umapela naman si Negros Oriental Gov. Roel Degamo kay Pangulong Aquino ng dagdag pang tulong dahil sa salantang inabot ng kanilang lalawigan.

Nangako naman si Pangulo sa mga residente ng Guihulngan na magkakaroon sila ng trabaho sa ilalim ng jobs for work program ng pamahalaan.

Umaabot naman sa 48 katao ang kumpirmadong nasawi habang nasa 92 pa din ang iniulat na nawawala hanggang sa kasalukuyan, ayon sa militar.

Show comments