Impeachment vs Castillo tuloy

MANILA, Philippines - Tuloy ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo.

Sa botong 28-5, ibinasura ng House committee on justice ang mosyon ni Albay Rep. Edcel Lagman na ipawalang-saysay ang impeachment complaint dahil wala na umanong hurisdiksyon dito ang komite.

Paliwanag ni Lagman ubos na ang 60 session days na limitasyon ng pagdinig ng komite sa isang impeachment complaint.

Pero kinontra naman ni House deputy speaker Raul Daza ang pahayag ni Lagman dahil ayon sa House Rules ang isang session day ay binibilang kapag nagkaroon ng adjournment.

Sa opisyal na pagbibilang ng House secretariat kahapon ay ika-56 session day ng pagtalakay sa naturang reklamo.

Gayunman, posibleng patapusin muna ng Kamara ang impeachment case ni Supreme Court chief justice Renato Corona bago nila iakyat ang reklamo laban kay del Castillo.

Kailangan ng 95 boto upang maisampa ang reklamo sa Senado na siyang magsasagawa ng panibagong impeachment laban kay Justice del Castillo na inakusahan ng betrayal of public trust dahil sa plagiarism o pa­ngongopya ng desisyon sa kaso ng comfort women noong World War II. (Butch Quejada/Gemma Garcia/Rudy Andal)

Show comments