Pagdalo ng House solons sa sesyon inaabangan

MANILA, Philippines - Inaasahan ang pagdalo ngayon sa sesyon ng mga kongresista upang magpatuloy ang takbo ng trabaho sa Kamara sa kabila ng impeachment trial na ginaganap sa Senado.

Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, ipapatupad na ng liderato ng Kamara ang pagpapatawag ng attendance araw-araw upang masigurong makakapasa ang mga importanteng panukalang batas.

Paliwanag ng House speaker, dapat makipagtulungan ang bawat miyembro ng Kamara lalo pa at naapektuhan na ang trabaho ng Kongreso dahil sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Noong Lunes ng nakaraang linggo ay nagsagawa ng roll call ang Kamara na sinundan ng suspension ng Martes at adjournment ng Miyerkules.

Ang suspension ng sesyon ay ginagawa upang magkaroon nang pagpapatuloy sa quorum sa susunod na araw o nangangahulugan na ang isang session day ay maaaring magtagal ng tatlong araw.

Kabilang sa listahan ng priority bills na naghihintay ng third and final reading ay ang Terrorist Financing Suppression Act, Hybrid Alternative Vehicle, Penalties for Election-Related Offenses, Criminal Responsibility of Minors, Anti-Cybercrime Act, Passport Act, at Valuation Reform Act.

Show comments