MANILA, Philippines - Sinimulang i-text brigade ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte ang mga kongresista upang dumalo na ang mga ito sa sesyon sa plenaryo sa Kamara.
Ayon kay Belmonte, magkakaroon ng roll call sa Lunes matapos na ireklamo ng minorya ang kawalan ng korum sa mga isinasagawang sesyon mula pa nang magsimula ang impeachment trial noong Enero 16, 2012 dahil karamihan sa mga kongresista ay nasa Senado bilang pagbibigay suporta sa prosekusyon.
Ayon naman kay dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dahil sa hindi pagdalo ng ilang mga kongresista ay hindi nila natutupad ang mga trabahong naiatang sa kanila.
Sinabi ni Lagdameo, dapat lalo pang magpursige sa pagdalo sa mga sesyon ang mga Kongresista upang tutukan ang mga mahahalagang panukalang batas na makatutulong sa bansa lalo pa’t nararamdaman na ng bansa ang epekto ng Climate Change at sobrang kahirapan.
Naniniwala si Lagdameo, hindi na dapat pang pagsabihan ang mga kongresista kung talagang may malasakit sila sa bayan lalo na nang mga taong kanilang pinaglilingkuran. (Gemma Garcia/Doris Franche)