Shoot-to-kill kay Palparan

MANILA, Philippines - Nanawagan ang ina ng isa sa dalawang nawawalang estudyante ng University of the Philippines (UP) na magpalabas na ang gobyerno ng shoot-to-kill order laban kay retired Major Gen. Jovito Palparan sa halip na mag-alok pa ng P1 milyong pabuya para sa kanyang ikadarakip.

Ang pahayag ni Mrs. Erlinda Cadapan ay kasunod na rin ng kabiguan umano ng gobyerno na mahuli si Palparan sa kabila ng isinasagawang pagtugis dito.

“Mukhang hindi naman seryoso ang gobyerno sa pagtulong na ma­bigyan ng hustisya ang aming mga anak,” wika umano ni Cadapan, ina ni Sherlyn na dinukot ng mga armadong lalaki sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 26, 2006 kasama ang isa pang UP student na si Karen Empeno.

Idinagdag pa ng ginang na simula ng misteryosong mawala ang kaniyang anak at kamag-aral nitong si Karen ay nabubuhay sila sa pighati at patuloy ang kanilang paghahanap ng hustisya.

Gayunman, umaasa rin ang pamilya Cadapan na buhay pa nga si Sherlyn gaya ng paniwala ng abogado ni Palparan na si Jesus Santos.

Samantala, hinamon ng AFP ang Human Rights Watch (HRW) na tukuyin ang mga opisyal ng militar na pinararatangan ng mga itong nagkakanlong kay Palparan. 

Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., wala sa polisiya ng militar na magkanlong ng pugante at hindi nila kukunsintihin ang mga nasa aktibong serbisyo kapag nasangkot sa ganitong gawain.

Sa katunayan ayon pa kay Burgos, ang dalawang opisyal na naunang sumuko na sabit sa kaso na sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at Sgt. Edgardo Osorio ay kasalukuyang nakapiit ngayon.

Ang isa pa na si Master Sgt. Rizal Hilario ay kasalukuyan pang tinutugis ng batas.

Una rito, kinalampag ng New York base HRW ang administrasyon ni Pa­ngulong Benigno Aquino na huwag pahintulutang protektahan ng military si Palparan.

Show comments